Monday, July 6, 2015

Mga Katanungan sa buhay ng isang Tambay


 Bunga ng malikot na isipan at walang magawa sa buhay. Matagal pa ang aking pasukan at inaamag na ako sa bahay at tambay. Inihahandog ko po sa inyong lahat:

 Pag-reresearch sa mga ilang katanungan sa buhay ng isang tambay (nabigyang kasagutan)

Topic: Childhood



"Bakit pinapalo sa puwet ang mga bagong kakapanganak na sanggol?" Oo nga no? Bakit nga ba sila pinapalo? Bakit sa puwet? Ayon sa aking walang katuturang opinyon, pinapalo sila sa puwet dahil gusto ng mga doctor na pahirapan ang sanggol. Gusto nilang paiyakin ang kawawang bata na naglagi ng siyam na buwan sa banga ng kanyang ina. Ang batang walang kamuwang-muwang sa mundong puno ng mga ahas, buwaya at paasa. Pero seryoso, gustong lang maiparating ng mga doctor na healthy ang bata both physically and emotioanally. Sa papaanong paraan? Kapag pinalo sa puwet ang bata at nasaktan ito,magsisimulang umiyak ang bata. At sasabihin ng bata (syempre hindi pa sila nakakapagsalita at tanging pag-iyak lang, pero ganito) “Mommy, ang kapal ng mukha ng doktor na yan na paluin ako sa puwet. Humanda siya paglaki ko. I swear, makikita niya” Oh diba? Ibig sabihin, gumagana ang senses ng bata. Ang saya.

Balik sa katanungan, bakit sa puwet? Pwede naman sa kamay o sa paa. Pwede naman kurutin na lang o kaya kilitiin hanggang sa manginig at humagalpak sa tawa ang bata. Hindi ko alam ang tamang sagot pero sa kadahilanang hindi ko maipaliwanag. Masasabi kong sa puwet dahil makapal ang balat natin dito at puro taba. Diba? Hindi masyadong masakit.

                                                                              ~~~~~

“Am-Am”, “Ungek Ungek”, “Hua Hua”, “Ma-ma de-de”

“Maria, ang ingay ng bata. Padedehin mo nga!”

“Eto na Gardo. Bantayan mo muna yung niluluto ko!”


Hindi ka ba nagtataka kung bakit hindi mo alam ang lasa ng gatas ng ina kahit mahigit 1 or 2 years mo itong naging paboritong inumin noong bata ka pa?
Ako nagtataka, kasi nagbreastfeed naman ako dati at hindi ko matandaan ang lasa nito. Maari kayang matamis, maalat, malinamnam, masarap, walang sarap o walang lasa. Ano nga kaya? Ang sagot sa katanungan ay dahil bata pa tayo noon at wala pa sa bokubyularyo natin ang salitang lasa-lasa basta kahit ano ang ipakain sa atin ay “go” na tayo. Lingid din sa kaalaman ng iba, hindi pa fully develop ang sense of taste ng mga uhuging batang ito.(Ikaw yun! I mean tayo pala)

Kung bibigyan ka ba ng pangalawang pagkakataon ng kapalaran na tikman ulit ang napaka-misteryosong gatas ng ina, gugustuhin mo ba? Ako, for the sake of my curiosity, OO ang magiging pasya ko. Ang problema lang nakahiya at ang awkward naman. Imagine mo ang isang 18 years old na dumedede sa dede ng ina para lang malasahan ang gatas nito. Hindi makatarungan sa lahat ng mukha at aspeto ng pamumuhay. Pero dahil pursigido talaga ako sa aking hangarin, bibili ako ng breastmilk kung may magtitinda sa akin. Kahit isang baso lang at kapag hindi ko naubos. Gagawin kong ice candy.

                                                                                   ~~~~~~


 Sumasagi ba sa iyong isipan minsan ang mga alaala ng maaasim, uhugin at pawisan mong mga kaibagan?

Si Nik-Nok na animoy parang may braces sa ngipin na kulay itim. Nasobrahan siya sa paglamon ng lollipop, MAXX, X-O at toki-toki. Si Bakekang na hindi nagtotooth-brush. Amoy bangkay ang hininga e pero kahit ganoon yan magaling siya sa ten-twenty at piko. Si Nonong na pinakalbo ng tatay niya kasi kalalaking bata ang daming kuto. Nakakadiri kaya pero magaling yan sa holens at kung di ko lang yan kaibigan, sasabihin kong dinadaya niya ako palagi sa text at pogs. Si Ann-Ann na mukhang daga. Hindi kasi marunong magsuklay at magayos ng sarili. Tatlong beses lang ata sa isang linggo maligo kaya siya madalas ang suspect namin na may putok sa kili-kili (pinagkalat ko kasi). Dinaig pa ang Vinegar Pusit at Oishi Cracklings sa sobrang asim niya. Kabaligtaran naman niya si Kikay na kulang nalang maging Christmas tree ang katawan sa dami ng nakakabit na kolorete sa kanya. Ayaw niya sa madudumi at laging siyang may baon na polbo at suklay. Pero maganda siya, yun nga lang ang sama ng ugali niya at lagi siyang nagsusungit.


Ano naalala mo na ba? Kung hindi pa? Ipapaalala ko sayo.

  • Ito yung mga panahong di ka pa concious sa pag harvest ng kulangot mo at pagkatapos ibibilog at pipitikin papunta sa napiling target mo.
  •  Kung kailan ka natutong humingi ng limang piso kasi wala ng mapupuntahan ang piso. 
  • Kung kailan ka natututong dumekwat sa wallet ng nanay mong nakatago pa sa pinakailaliman ng drawer ng dorabox niyo. 
  • Kung saan uuwi kang may sugat sa tuhod at pasa sa katawan kasi nakipag-wrestling ka dahil natalo ka sa luksong baka.
  •  Kung saan pudpod lagi ang tsinelas kakalaro ng "finish" sa kanto nila Aling Bebang. Kung saan unahan sa pagpunta ng eskwelahan dahil magiging "Most Punctual" ka pag nagkataon (achievement!). 
  • Kung saan sumama ka sa mga kaibigan mong kumuha ng mangga at bayabas sa likod ng eskwelahan gamit ang mga bato. Sa kasamaang palad, ayun bintana ng CR at Classrooms ang natamaan.
  •  Kung saan kinakabahan, nanginginig at pinagpapawisan ka ng malamig na magpanatang makabayan sa harapan ng flag ceremony. 
  • Kung saan marami kang kaibigan at kaaway (di ka namin ka-bati, bleh!).

Ang daming “kung saan” at “kung kailan”. Hindi ito matatapos kung hindi ko tatapusin. Basta ang alam ko lang. Ang saya na minsan naging isa ako sa mga batang uhugin na laging nakakalat sa kapitbahay, sa bakuran at sa kanto. Kahit na pinalo ako noon sa puwet at kamay ni Madam Rosario, piningot sa tenga ni Madam Manalo at kinurot sa singit ni Sir Kalbo.




Credits:
Toshiba Laptop, Nokia Lumia WP, SmartBro Wifi, Internet Explorer, Bing at Google. :)