Tuesday, December 20, 2016

Hihintayin Kita



Hihintayin kita…


Ang tulang ito ay sinulat ko para sayo. Oo sayo, na pinag-alayan ko ng aking buhay. Ng aking dugo at puso.  Ang taong pinangakuan ako ng mundo. Yung Dalawa lang tayo.  Habang-buhay. Peks man. Mamatay man. Nasaan ka na? Hinintay kita. Mali kasi hinihintay pa rin kita at patuloy akong umaasa na muli tayong magkita.


Ilang buwan na ba ang nakalipas? Taon? Sariwa pa rin ang sugat. Nakaukit pa rin ang bakat. Ang sabi mo'y may  pupuntahan ka lang. Ang sabi mo malayo baka ikaw ay matagalan. Natuyot na ang mga dahon ng mangga. Ang tag-ulan ay paparating na. Masaya ata ang naging destinasyon mo. Tila nakalimutan mong may ako. Alam mo? Araw-araw pa rin akong naghihintay sa paborito nating tagpuan. Araw-araw din akong umuuwing luhaan. Pero okay lang. Hindi ako mapapagod. Hinding hindi.

 
Lagi kong ipinapanalangin na sanay umuwi ka na. Makita. Mayakap. Makausap. Ang sabi nila nagmumukha na akong tanga. Eh sa mahal kita. Narinig kong usap-usapan na nasa magandang lugar ka. Sana'y isinama mo ako. Hindi iyong ganito. Kinakain ako ng kalungkutan. Nawalan ng kulay ang kapaligiran. Miss ko na mga halakhak mo. Ang mga ngiti mo. Miss na miss na kita.  Sa ala-ala na lang kita nasusulyapan.


Kahit anong gawin hindi ko magawang magalit sayo. Iniwan mo ako. Nagsinungaling ka. Ang daya mo! Hindi ka tumupad sa pangako. Pero pinanghahawakan ko ang kataga mong "babalik ako". Babalik ako. Babalik ka pa nga ba? Bakit ganoon? Sana ay kaya kong ibalik ang kahapon. Yung mga araw na masaya tayo. Makulay ang aking mundo. Malakas ang tibok ng ating puso. Wala e. Isa na lang ang tumitibok. Ang sa akin na lang.


Minsan nararamdaman ko ang mga yakap mo sa aking panaginip. Nagigising ako. Umaasang ikaw ang nasa tabi ko. Oo nga pala. May check-up na naman ako bukas. Hindi ko alam kung para saan iyon. Pero marami silang tinatanong. At ikaw ang laging laman ng mga tanong. Nakapag-move on na daw ba ako? Ang minsan nilang tanong. Syempre hindi ang aking sagot. Ayaw ko. Bakit kita kakalimutan? Bakit ko itatapon ang ating pagmamahalan. Bakit?


Ang sabi ng babae sa clinic "Kailangan. Hindi man magiging madali pero magiging maayos din ang lahat. Unti-unti. Makakayan mo rin. Simulan mo sa pagtanggap. Malungkot. Oo. Masakit. Oo. Pero parte na lang siya ng nakaraan. Isang masayang gunita. Isang masayang ala-ala. Ang taong mahal mo ay kasama na ng Maykapal sa Paraiso." 




Hindi ko sila maintindihan. Nasaan ka na ba kasi? Ang tagal mo naman. Maghihintay ulit ako sayo bukas. Sa dati nating tagpuan.

No comments:

Post a Comment